Hindi naniniwala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa alegasyong may tinanggap na pondo para sa ayuda ang mga Congressman na pumirma sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa Pangulo, malabo itong mangyari lalo’t umabot sa 215 o 2/3 ng mga kongresista ang pumirma sa impeachment.
Sa katunayan umano ay may iba pang kongresistang nais din sanang pumirma, ngunit sila ay nasa mga probinsya at maaari lamang gawin ang pagpirma sa harap ng House Secretary General, at dapat ito ay naka-notaryo.
Sinabi pa ni Marcos na mismong siya ay dati ring naging mambabatas, at para sa kanya ay hindi uubra ang ganitong sistema.
Samantala, tiwala rin si Marcos na hindi makaa-apekto sa ekonomiya ng Pilipinas ang impeachment proceedings.