Nanawagan si Sen. Sherwin Gatchalian sa lokal na pamahalaan ng Malolos, Bulacan na kumilos kaugnay sa insidente ng pambubugbog at pambubully ng grupo ng mga bata sa kapwa bata.
Binigyang-diin ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education na responsibilidad ng lokal na pamahalaan ang insidente.
Iginiit ni Gatchalian na dapat ipatawag ng mayor ang mga magulang ng mga batang nanakit upang pagsabihan at ipasailalim sa parenting seminar dahil responsibilidad ng mga magulang na gabayan ang mga anak.
Inirekomenda pa ng senador na ipatawag ang mga bata upang bigyan ng pangaral at sabihan ng mag-sorry sa kanilang sinaktan.
Nagviral ang video na makikitang sinampal at pinagtulungan na sinabunutan ng grupo ng mga batang babae ang nakalugmok na kapwa mga batang babae.
Nakita rin na hindi pa rin tinigilan sa pananakit kahit na nagmakaawa ang bata na tigilan na siya.
Inimbitahan na ng lokal na pulisya at social welfare development office ang mga magulang ng mga batang nambugbog.