dzme1530.ph

Pagdami ng maagang pagbubuntis, nakababahala na

Aminado ang Commission on Population and Development na sadyang nakakabahala na ang dami ng mga kaso ng pagbubuntis sa murang edad.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education kaugnay sa kaso ng teenage pregnancies, sinabi ni POPCOM Deputy Exec. Dir. Lolito Tacardon na noong 2023, isang walong taong gulang sa lalawigan ng Sulu ang naitalang nanganak.

Batay aniya ito sa tala ang Civil Registry and Vital Statistics kung saan nairecord din noong 2023 ang 11,497 live births sa mga edad 10 hanggang 15 taong gulang habang 54,510 live births sa mga 17-anyos pababa habang 23,260 live births ng repeat pregnancy.

Ang mga tatay naman ng mga ito ay naitala na 20-anyos pataas na posibleng indikasyon na biktima ang mga maagang nabuntis ng sexual abuse.

Una rito, iginiit ni Sen. Sherwin Gatchalian na bagama’t bumaba ang kabuuang kaso ng teenage pregnancies, nakababahala naman na tumataas ang kaso nito sa mga edad 10-14 years old.

Noong 2012, naitala ang teenage pregnancy cases sa 209,000 na bumaba sa 142,000 noong 2023.

Subalit ang kaso ng mga edad 10-14 yrs old na nabuntis noong 2023 ay naitala sa 3,342 mula sa 1,629 noong 2013.

Kinumpirma rin ito ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo kasabay ng pahayag na dapat ding pag-isapang agahan ang pagtuturo kaugnay sa puberty sa halip na simulan ito sa 11-anyos.

Sinabi ni Domingo na posibleng ikunsidera ang pagbibgay ng age-appropriate at culturally-sensitive information sa mga edad walong taong gulang hanggang siyam na taong gulang.

Kapuna-puna rin kasi sa kanilang records sa mga tinamaan ng HIV na ang kanilang first sexual contact ay naganap noong sila ay 16-anyos subalit ang paggamit ng contraceptives ay nasa edad 17 na.

Ibig sabihin aniya nito na may mga batang maagang namumulat sa pakikipagtalik subalit hindi nila lubos na nauunawaan pa ang kanilang katawan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author