Inilabas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang video ng paghuli sa SUV na may protocol plate na no. 7 sa EDSA busway noong Linggo.
Kasabay nito ay nilinaw ni MMDA Chairperson, Atty. Don Artes na hindi nila inipit o tinangkang itago ang anuman mula sa naturang insidente.
Sinabi ni Artes na binigyan din nila ng mga kopya ang requesting parties, at batid nilang kailangan na matugunan agad ang isyu.
Idinagdag ng MMDA chief na naihanda agad nila ang CCTV footage para sa Department of Transportation – Special Action and Intelligence Committee for Transportation, Land Transportation Office, at sa tanggapan ni Sen. Raffy Tulfo, noong Lunes.
Inihayag din ni Artes na wala nang nakatalagang mga tauhan ng MMDA sa busway matapos i-withdraw ang lahat ng kanilang traffic personnel sa exclusive lane noong June 30. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera