Peke ang no. “7” protocol plate na pang-senador na nakakabit sa nag-viral na sports utility vehicle (SUV) na hinarang ng mga awtoridad sa EDSA bus lane.
Ito, ayon sa Land Transportation Office (LTO), ay matapos nilang mapanood ang video ng sasakyan na nagtangkang sagasaan ang isang enforcer sa Guadalupe, Makati City.
Sa statement, inihayag ng LTO na batay sa kanilang initial assessment, peke ang nakakabit na syeteng plaka sa nag-viral na SUV, at wala silang inisyung protocol plate para sa kaparehong uri ng sasakyan.
Sinabi pa ng LTO na inilagay ng driver sa panganib ang buhay ng Department of Transportation – Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DoTr-SAICT) enforcers, na ginagawa lamang ang kanilang trabaho.
Nakipag-ugnayan na rin ang LTO sa DoTr-SAICT para sa iba pang detalye ng kulay puting SUV upang matukoy ang registered owner ng sasakyan. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera