dzme1530.ph

ERC, Hinimok na madaliin ang Transition Plan sa retail competition open access para maibaba ang presyo ng kuryente

Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na madaliin na ang transition plan para sa pagpapatupad ng Retail Competition Open Access (RCOA) hanggang sa lebel ng mga bahay upang bigyang-daan ang mga konsyumer na mamili ng pinaka competitive na supplier ng kuryente.

Ang pagpapatupad kasi ng RCOA ay magdudulot ng masiglang kompetisyon sa merkado kapag nagkaroon ng pagpipilian ang mga konsyumer, na sa kalaunan ay magiging daan upang bumaba ang singil sa kuryente at maging stable ang suplay.

Sinabi din ng mambabatas na ang isang sistemang katulad ng RCOA ay naipapatupad na sa maraming bansa kabilang ang Singapore at United Kingdom.

Ang RCOA, na unang ipinatupad noong 2013, ay kasalukuyang nagbibigay-daan sa mga konsyumer na may buwanang peak demand na hindi bababa sa 500 kilowatts (kW) na lumipat sa retail electricity supplier sa loob ng Competitive Retail Electricity Market (CREM) dahil sa mas mababang rate kumpara sa mga tradisyonal na distribution utilities.

Upang higit pang isulong ang inisyatiba, hinimok ni Gatchalian ang ERC na babaan ang eligibility upang magbigay-daan sa mas maraming mga mamimili na lumahok.

Binigyang-diin niya na bagama’t hindi kaagad maipapatupad ang RCOA sa mga kabahayan dahil sa mga hadlang na pang teknikal, kinakailangan nang maglabas ng transition plan ang ERC.

Kung wala anya ang transition plan, hindi gagalaw ang distribution utilities dahil mas paborable sa kanila ang status quo.

About The Author