Aminado ang Presidential Anti-Organized Crime Commission na mas nahihirapan itong matunton at maipasara ang mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, inihayag ni PAOCC Spokesman Winston Casio na bumaba na sa mahigit 30 ang bilang ng mga ligal na Internet Gaming Licensees (IGL), at walang problema rito dahil sumusunod ang mga ito sa direktiba ng Pangulo na ihinto ang kanilang operasyon sa pagtatapos ng taon.
Ang problema umano ng PAOCC ay ang mga iligal na POGO na ngayon ay naging underground na ang operasyon.
Sinabi ni Casio na tinatayang nasa limampu hanggang isandaang iligal na POGO ang nag-ooperate pa rin.
Kaugnay dito, kailangan umano ang pakikipagtulungan ng iba pang national gov’t agencies at mga lokal na pamahalaan para sa whole-of-gov’t fight sa POGO.
Hiniling din ang tulong ng komunidad para maging mata at tenga ng gobyerno, at hinikayat silang isumbong ang mga iligal na aktibidad, kabilang na ang kahina-hinalang presensya ng maraming dayuhan sa kanilang lugar na hindi naman mga turista. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News