dzme1530.ph

Approval at trust ratings ng matataas na opisyal ng pamahalaan, nagsibaba sa ikatlong quarter, batay sa survey ng Pulse Asia

Bumaba ang approval at trust ratings ni Vice President Sara Duterte, ayon sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.

Sa Sept. 6 to 13 survey na nilahukan ng 2,400 respondents, bumagsak sa 60% ang performance rating ni VP Sara na mas mababa ng 9 percentage points mula sa nakaraang survey, habang 61% ang nakuha nitong trust rating na mas mababa rin ng 10 percentage points kumpara noong Hunyo.

Mula naman sa 53% ay bumaba sa 50% ang approval rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nakalipas na buwan ng Setyembre, habang bumagsak din sa 50% ang kanyang trust rating mula sa 52% noong ikalawang quarter.

Samantala, nabawasan din ang approval rating ni Speaker Martin Romualdez ng 3 percentage points na mula sa 35% noong June ay naging 32% nitong nagdaang September, habang apat naman ang natapyas sa kanyang trust rating na mula sa 35% ay naging 31%.

Nakapagtala naman si Senate President Chiz Escudero ng 60% approval rating habang ang kanyang trust rating ay bumagsak sa 56% mula sa 69% noong Hunyo. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author