Nilinaw ng Commission on Elections na wala silang planong tuluyang ipagbawal ang paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa pangangampanya para sa 2025 elections.
Sa pagtalakay sa panukalang 2025 budget ng poll body, sinabi ni Comelec chairman George Garcia na kung nagagamit ng tama ay malaki naman ang tulong sa lahat ng AI.
Ipinaliwanag ni Garcia na sa ngayon ay mayroong malinaw na regulasyon sa TV, Radio at Print ads subalit walang regulasyon sa social media lalo na sa paggamit ng AI at deep fakes.
Kaya naman naglabas ang poll body ng guidelines sa paggamit nito kasabay ng pakikipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology at online platforms para mabilis na matanggal ang fake news, misinformation at disinformation.
Sinabi ni Garcia na maaaring iparegister ang social media accounts ng mga kandidato na kanilang gagamitin sa kampanya upang madaling mamonitor. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News