dzme1530.ph

Denial ni Atty. Harry Roque sa koneksyon sa iligal na POGO, kontra sa mga dokumento

Kontra sa mga dokumento ang naging denial ni dating presidential spokesman Harry Roque na abogado siya ng iligal na POGO company na Lucky South 99.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Risa Hontiveros kasabay ng pagpapaliwanag na malinaw sa organization chart ng Lucky South 99 na si Roque ay tumatayong legal counsel ng kumpanya.

Idinagdag pa ni Hontiveros na malinaw din sa naging testimonya nina PAGCOR Chairman Alejandro Tengco at PAGCOR VP Atty. Jessa Fernandez na tinulungan ni Roque ang authorized representative ng kumpanya dahil sa mga problema sa arrears.

Bukod dito, ilang beses pang tumawag nang tumawag si Roque kay Fernandez upang i-follow up ang estado ng reapplication for license ng kumpanya.

Sa kabila nito, aminado si Hontiveros na hindi lamang isyu ng irregularity kundi maging ng truthfulness ang pagiging abogado ni Roque sa Lucky South 99 at kung bakit kailangan pa niyang magsinungaling.

Kasabay nito, kinumpirma ni Hontiveros na pinag-aaralan na nila ang pagsisiyasat sa kinalaman sa iligal na POGO at ilan pang kriminalidad ng Davao-based businessman na si Michael Yang at ang kaugnayan nito sa Pharmally Group.

Sa tingin kasi ni Hontiveros posibleng si Yang pa ang mastermind ng POGO tulad ng naging papel nito sa Pharmally scam.

About The Author