Bilang bagong halal na chairman ng Senate Committee on Tourism, target ni Sen. Lito Lapid na tutukan ang mga hakbangin na magpapaunlad ng Agritourism sa bansa.
Ayon kay Lapid, bilang magsasaka, isusulong nya ang pagpapalago at promosyon ng agrikultura sa pamamagitan ng turismo at maeengganyo pa ang mga kababayan natin na tangkilikin ang lokal na mga tourism destination.
Naniniwala ang senador na ang Agritourism ang magbibigay-daan sa ating mga kabataan na mahikayat na mag-aral ng agrikultura dahil matatanda na ang populasyon ngayon ng mga magsasaka.
Ang Agritourism ay nakasentro sa agricultural-based activities para makahikayat ng mga bakasyunista o turista na bumisita at matuto sa gawain ng mga magsasaka sa bukirin at rancho.
Kabilang sa mga aktibidad dito ay pagpitas ng mga gulay at prutas, paggawa ng local wines, pagtatanim ng palay o root crops, pag-aaral sa organic farms, paggatas sa baka, pagsakay sa kalabaw o kabayo, pamimingwit, pagpitas ng coffee beans, farm-to-table dining at maraming iba pa.