dzme1530.ph

Sama ng loob ng mga senador dulot ng change of leadership, inaasahang lilipas din

Tiwala si Senate President Francis “Chiz” Escudero na huhupa rin ang galit o silakbo ng damdamin at maging sama ng loob na idinulot ng pagpapalit ng liderato ng Senado.

Sinabi ni Escudero na umaasa siyang sa pagbabalik ng sesyon sa Hulyo ay malamig na ang ulo ng lahat at makakapokus na sa pagtatrabaho sa mga nakabinbing panukala sa kanilang hanay.

Pabiro pang sinabi ng senate leader na mas magiging madali ang paghupa ng emosyon dahil hindi naman pag-ibig ang pinag-uusapan kundi ang kanilang tungkulin bilang mga mambabatas.

Muling umapela si Escudero sa lahat na mag-move on na para matutukan ang kanilang mga tungkulin.

Sa kabilang dako, inamin naman ni Sen. Nancy Binay na mahirap magmove on kung walang closure o hindi malinaw ang tunay na dahilan ng pagpapatalsik kay dating Senate President Juan Miguel Zubiri.

Sinabi naman ni Escudero na may magkakaibang rason ang 15 senador na lumagda sa resolution ng pagsuporta sa kanya at hindi na anya dapat ungkatin pa ang masasakit na bagay.

About The Author