dzme1530.ph

Alegasyong nagsasangkot kay PBBM sa paggamit ng iligal na droga, tinawag na tsismis lamang

Naniniwala si Senate President Juan Miguel Zubiri na pawang hearsay o tsismis lamang ang mga pahayag ni dating PDEA Intelligence Officer Jonathan Morales ukol sa alegasyon sa iligal na droga na isinasangkot si Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Iginiit ni Zubiri na walang konkretong ebidensya na mailabas si Morales, kaya nagbabala siya na maaaring mauwi lamang sa political persecution ang imbestigasyon.

Ipinaalala rin niya na maaaring makaapekto sa kredibilidad ng senado kung magpapatuloy ang imbestigasyon ng walang sapat na basehan.

Naniniwala rin ang senador na ang ginagawang pagdinig kaugnay sa PDEA leaks ay hindi naman makareresolba sa problema sa inflation, kahirapan at mataas na singil sa kuryente.

Subalit nilinaw ni Zubiri na malaya ang mga kumite sa senado na gawin ang kanilang oversight functions lalo na sa mga pagdinig na ‘in aid of legislation’ subalit pinaalalahanan niya ang mga senador na mayroon din silang responsibilidad sa taumbayan na dapat nilang pangalagaan.

About The Author