dzme1530.ph

Cha-cha, mas makabubuting isulong pagkatapos ng 2025 elections

Naniniwala si Senate Minority Leader “Koko” Pimentel na mas nararapat na sa pagtatapos na lamang ng 2025 midterm elections isulong ang pag-amyenda sa Saligang Batas.

Ipinaliwanag ni Pimentel na sa kasalukuyang konposisyon ng Kongreso ay may “trust issues” na ang mga senador kasunod na rin ng isinulong na People’s Initiative kung saan mas binibigyan ng kapangyarihan ang Kamara habang inaalisan naman ng poder ang Senado sa cha-cha.

Bukod dito, may mga pagdududa rin aniya na maipasok sa constitutional amendments ang mga hindi dapat tulad ng political provisions at ang land ownership ng mga dayuhan na nakapaloob sa economic provisions.

Sinabi ni Pimentel na bagamat bukas siya sa constitutional amendments ay mas mabuting huwag ngayon talakayin ang chacha kundi pagkatapos na lamang ng midterm elections sa 2025 para may mga bagong set ng mga mambabatas.

Idinagdag pa ng senador dahil 88% ng mga Pinoy ay ayaw sa cha-cha patunay lamang ito na walang clamor o panawagan mula sa taumbayan.

About The Author