dzme1530.ph

SP Zubiri, kinumpirmang handa niyang itaya ang posisyon para sa isinusulong na economic Cha-cha

Kinumpirma ni Senate President Juan Miguel Migz Zubiri na handa niyang itaya ang kanyang posisyon bilang lider ng Mataas na Kapulungan para sa isinusulong nilang economic Cha-cha.

Sinabi ni Zubiri na handa siyang magresign bilang Senate President kung may maisisingit na political provision sa kanilang pag-amyenda sa economic provisions ng konstitusyon.

Ginawa ng senador ang pahayag upang pawiin ang pangamba ng ilang mambabatas na posibleng magtangka na magsingit ng political provision kapag pinag-usapan na ang Cha-cha.

Iginiit ni Zubiri na halos lahat ng senador na kanyang nakakausap ay sang ayon na limitado lang sa economic provision ang pagbabago sa Saligang Batas.

Kaya wala anyang dapat ikatakot ang publiko sa economic Cha-cha na isusulong ng senado sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na linggo. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author