dzme1530.ph

COMELEC, tumanggap ng signature pages para sa People’s Initiative mula sa 400 lungsod at munisipalidad

Kinumpirma ni Comelec Chairman George Garcia na nakatanggap sila ng ilang pahinang mga pirma mula sa may 400 munisipalidad at lungsod, para sa People’s Initiative kaugnay ng isinusulong na pag-amyenda sa 1987 Constitution.

Sinabi ni Garcia na sinusuri pa ng kanilang election officers ang bawat pahina upang matiyak na tugma ang bilang ng mga pirma.

Aniya, posibleng sa Biyernes ay maihayag nila ang eksaktong bilang ng mga lungsod at munisipalidad na nagsumite sa Comelec offices ng signature pages.

Ipinaliwanag ni Garcia na sa signature pages, tatanungin ang mga botante kung pabor sila na amyendahan ang Article 17, Section 1 ng 1987 Constitution sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga miyembro ng kongreso na bumoto sa panukalang constitutional amendments sa pamamagitan ng constituent assembly. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author