dzme1530.ph

Pagkuwestiyon sa 2024 national budget sa Korte Suprema, pinag-aaralan na, ayon kay Sen. Pimentel

Kinumpirma ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na pinag-aaralan na ang posibleng pagkwestyon sa Korte Suprema sa bagong kalalagda pa lamang P5.768 trillion na 2024 national budget.

Ayon kay Pimentel, ongoing ngayon ang ligal na pag-aaral sa General Appropriations Act para sa posibleng pagkwestyunin sa Supreme Court ng constitutionality nito.

Una nang sinita ni Pimentel ang paglobo ng unprogrammed funds mula sa P281 billion na orihinal na hiling ng ehekutibo na iniakyat sa P730 billion o nadagdagan pa ng P450 billion nang isalang sa bicam conference.

Sa paniniwala ng Minority leader paglabag sa constitutional provision na nagsasaad na hindi maaaring dagdagan ang appropriation na inirerekomenda ng ehekutibo at ang maaari lamang ay tapyasan, ilipat o panatilihin ang alokasyon.

Dahil aniya sa malaking dagdag sa pondo ay lumalabas na lagpas na sa P5.7 trillion ang pambansang pondo at kung susumahin ito ay nasa P6.4 trillion na ngayon.

Ayaw naman magkomento ni Pimentel sa pagkakalagda ni Pangulong Bongbong Marcos sa 2024 budget at aniya’y prerogative ito ng Presidente tulad ng isang mamamayan na may karapatan ding kwestyunin ang constitutionality ng budget law. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author