dzme1530.ph

Sen. Tolentino, walang nakikitang dahilan para makipagdayologo sa Malacañang kaugnay sa bagong istratehiya sa WPS

Walang nakikitang dahilan si Senate Committee on Maritime and Admiralty Zones chairman Francis Tolentino para makipagpulong kay Pang. Ferdinand Marcos Jr., kaugnay sa bagong istratehiya sa usapin ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Ayon kay Tolentino, saklaw na ng ehekutibo, partikular ng Department of Foreign Affairs ang usapin na ito at sila na ang dapat magpaliwanag kung ano ang kanilang bagong taktikang ito.

Sa panig aniya ng pinamumunuan niyang kumite, ang Philippine Maritime Zones Bill na kanilang binubuo ay maaaring gamiting diplomatic tool sa pagharap ng isyu sa West Philippine Sea.

Ipinaliwanag pa ng senador na oras na maisabatas ito ay isuaumite ito sa united nations at kikilalanin na ito ng lahat ng mga state parties ng UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea).

Sa pamamagitan aniya nito ay mas titibay ang claim ng ating bansa sa West Philippine Sea.

Target ng kumite ni Tolentino na maaprubahan ang Philippine maritime zones bill sa Enero 2024. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author