dzme1530.ph

Pagtatalaga ng chief of police sa mga lungsod at munisipalidad, dapat ipaubaya sa PNP Chief

Nais ni Sen. Grace Poe na ibigay sa liderato ng Philippine National Police ang pagtatalaga ng chiefs of police (COP) ng mga lungsod at munisipalidad.

Layun nito na alisin sa mga local chief executives ang impluwensya sa pagtatalaga ng mga pinuno ng pulisya sa kanilang mga lugar.

Ginawa ni Poe ang rekomendasyon sa kanyang interpelasyon kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa Senate Bill No. 2449 o An Act Providing for Organizational Reforms in the PNP.

Layun ng panukala na amyendahan ang Republic Act 6975 at RA 8551 o ang batas na bumuo sa PNP.

Aminado naman si Poe na nakakapangamba na masentro sa PNP chief ang kapangyarihan subalit wala naman anyang malinaw na dahilan upang hayaan ang local government official na makaimpluwensya sa PNP.

Sa kasalukuyang sistema, ang mga lokal na opisyal ang nagtatalaga ng mga chief of police at ang PNP chief ay nagrerekomenda lang sa mga gobernador at mayor. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author