Aprub na sa 3rd and final reading sa Senado ang panukalang magpapalakas ng batas ng Pilipinas kontra agricultural smuggling.
Sa botong 18 na senador ang pabor, walang tumutol at walang nag-abstain ay aprubado na sa Mataas na Kapulungan ang Senate Bill 2432 o ang panukalang mag-aamyenda sa Republic Act 10845 o Ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.
Sa ilalim ng panukala, ang agricultural smuggling, hoarding, profiteering at cartel ay ikukunsiderang economic sabotage kung ang halaga ng produktong masasangkot ay hindi bababa ng P1-M.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbubuo ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Council na mapapasailailim ng Office of the President o kanyang designated permanent representative.
Bubuuin ito ng Department of Agriculture (DA); Department of Trade and Industry (DTI); Department of Justice (DOJ); Department of Finance (DOF); Department of the Interior and Local Government (DILG); Department of Transportation (DOTr); Anti-Money Laundering Council (AMLC); at Philippine Competition Commission (PCC).
Magkakaroon rin ng mga kinatawan mula sa sektor ng asukal, bigas at mais, livestock at poultry, prutas at gulay, fisheries at iba pang produktong pandagat, at tobacco. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News