dzme1530.ph

Chinese Ambassador Huang Xilian, ipinadedeklarang persona non grata sa Pilipinas

Ipinadedeklara ni Sen. JV Ejercito na persona non grata si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian at agad itong iparepatriate sa kanilang bansa.

Kasunod ito ng panibagong pag-atake ng water cannon ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas.

Binigyang-diin ng senador na ang mga anya’y combative statement ng Chinese ambassador ay hindi nakatutulong sa sitwasyon dahil ang kailangan ngayon ay isang diplomatic figure na kayang pakalmahin ang lahat.

Iginiit ni Ejercito na hindi isolated incident ang paggamit ng water cannons ng Chinese Coast Guard bagkus ay maituturing nang pattern of bullying na ilang buwan nang nangyayari.

Ang mapanganib anyang paggamit ng Tsina ng pinaniniwalaang long-range acoustic device ay kailanman ay hindi magiging katanggap-tanggap dahil buhay ng mga Pilipino ang nakataya rito.

Idinagdag ng senador na malinaw na intensyon ng Chinese vessels na magdulot ng pinsala at targetin ang kagamitang pang-komunikasyon at nabigasyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) vessels ng Pilipinas.

Samantala, ang paglalagay anya ng inflatable boats ng pwersa ng Tsina sa ating karagatan para palayasin ang mga bangkang pandagat ng mga Pilipinong mangingisda na naghihintay lamang ng suplay ng pagkain ay maituturing na walang puso at hindi makataong paraan.

Muling nanawagan ang senador sa gobyerno na madaliin na ang modernization sa armed forces at palakasin ang ating defense posture. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author