Nangangamba si Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones chairman Francis Tolentino sa posibleng maging tugon ng China sa Christmas convoy ng isang civilian group patungong BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa susunod na linggo.
Ito anya ang dahilan ng pakikipag-ugnayan niya kina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at Philippine Ambassador to China Jaime Florcruz.
Sa pagpupulong, hinimok ng senador ang gobyerno na maging handa sa anumang mangyayari sa December 11.
Posible aniyang mas higit pa sa harassment ang gawin ng China, matapos silang gumamit ng laser beam at water cannon sa sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy.
Mas ikinakapangamba ngayon ng senador na maliliit at sibilyang mga bangka ang makikiisa sa Christmas convoy kaya dapat maging handa.
Gayunpaman, naputol ang pag-uusap nina Tolentino at DFA officials dahil sa lindol na naranasan ng Metro Manila kahapon. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News