dzme1530.ph

DILG, handang paimbestigan ang umano’y security escort ng mga pulis sa POGO operators

Handang paimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga pulis na  umano’y nagbibigay ng security escort sa Chinese POGO operators.

Ito ang binigyang diin ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. kasunod ng ginawang pagbubunyag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang nagbibigay ng escort service sa blacklisted persons sa halagang P150,000.

Ayon sa Interior Secretary, hindi awtorisado ng DILG ang pagbibigay ng naturang serbisyo sa Chinese POGO operators lalo’t wala namang threats o banta sa kanilang buhay.

Sakali man aniyang mapatunayan ito, maaaring silipin ito ng National Police Commission (NAPOLCOM) at PNP Internal Affairs Service (IAS) upang masampahan ng reklamo ang mga miyembro ng kapulisan na mapapatunayang sangkot dito.

Dagdag pa ni Abalos, mas marami pang mahahalagang bagay ang nangangailangan ng seguridad gaya na lamang ng papalit na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections. —sa panulat ni Jam Tarrayo

About The Author