![]()
TINIYAK ng Senate Impeachment Court na mananatiling makatarungan at walang kinikilingan ang paglilitis sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, sa kabila ng magkakaibang pananaw ng publiko batay sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations.
Ayon kay Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Regie Tongol, ang mga senator judge ay nakatali sa kanilang sinumpaang tungkulin na magpasya batay sa batas at mga ebidensiyang tinatanggap ng korte, at hindi sa opinyon ng publiko.
Batay sa SWS survey na isinagawa noong September 21 hanggang 27, nasa 51 percent ng mga Pinoy ang nagsabing tatanggapin nila ang pinal na hatol ng Senado sa impeachment case.
Nasa 50 percent naman ang naniniwalang binibigyan ng Senado ng tamang pagtingin ang panig ng prosekusyon at dipensa.
Samantala, 28 percent ang nagpahayag ng malaking tiwala sa Senado sa pagbibigay ng pinal na hatol, habang 35 percent ang may kaunting tiwala.
Sinabi ni Tongol na patunay ang mga resulta ng survey na aktibong sinusubaybayan ng mga Pilipino ang mahalagang prosesong ito ng demokrasya.
Gayunman, binigyang-diin ni Tongol na hindi dapat maging batayan ng hatol ang mga survey, bagkus ang mga ebidensiya at itinatadhana ng batas.
Nakatakdang magpatuloy ang paglilitis sa November 9 para sa paglalahad ng ebidensiya ng dipensa.
