dzme1530.ph

Multi-million illegal recruitment schemes sa mga Pinoy na nagbabalak magtrabaho sa Italy, pinabubusisi sa Senado

Pinabubusisi ni Senador Raffy Tulfo sa Senado ang alegasyon ng umano’y multi-million illegal recruitment schemes na binibiktima ang mga Pinoy na nagbabalak magtrabaho sa Italy.

Sinabi nito na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kawalan ng aksyon ng konsulado ng Pilipinas sa sumbong ng ilang mga biktima ng naturang recruitment scam.

Dahil dito, inihain ng Chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, ang Senate Resolution No. 816 na humihiling sa Senado na magsagawa ng investigation in aid of legislation kasunod ng mga ulat na daan-daang biktima ang natangayan ng pera ng consultancy firm na Alpha Assistenza SRL, ang kumpanyang pinamumunuan ng Filipino co-CEOs na sina Krizelle Respicio at Frederick Dutaro.

Sinabi ni Tulfo na batay sa pahayag ng mga biktima ng OFW, nagbayad sila sa Alpha Assistenza ng hindi bababa sa 2,500 euros o P120,000 habang ang ilan sa kanila ay umamin na nagbayad ng kabuuang 5,780 euros o P347,140 dahil sa paniniwalang makakakuha sila ng trabaho sa Italy.

Matapos umanong maibigay ang bayad, ipinadala sa mga aspiring OFW via email o social media ang kanilang work permit pero nang isumite nila ang dokumento sa Italian Embassy sa Pilipinas, tinanggihan ito.

Nagsampa na ng pormal na reklamo ang 68 complainants sa Department of Justice sa Maynila habang inalerto ng Embahada ng Pilipinas sa Italya ang Public Prosecutors Office sa Roma, ang SUI, ang Questura at ang Italian Ministry of Foreign Affairs and International Cooperation dahil sa umano’y large-scale fraud.

Sa paghahain ng nasabing resolusyon, iginiit ni Tulfo na kailangan nang rebisahin ang existing laws at polisiya sa illegal recruitment upang masawata na sa hinaharap ang ganitong uri ng pambibiktima sa ating mga kababayan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author