dzme1530.ph

2 CHEd commissioners, posibleng masibak sa pwesto dahil sa katiwalian

Dalawang commissioner ng Commission on Higher Education (CHEd) ang posibleng alisin sa pamamalakad sa state universities colleges (SUCs) sa sandaling mapatunayang sangkot sa katiwalian.

Sa budget hearing ng CHEd, kinumpirma ni Chairman Prospero De Vera na nakarating sa kanila ang impormasyon na may dalawa kumisyuner ang nagsasagawa ng board meeting na sobra sa itinatakda ng regulasyon at masyadong magastos na ipinasasagot sa hawak nilang mga SUCs.

Ayon kay De Vera, maglalabas siya ng memorandum kung saan nakasaad ang tamang kilos ng mga chairman sa iba’t ibang SUCs at LUCs.

Kahit hindi direktang pinangalanan ng mga senador sa pagdinig, itinanggi nina CHEd Commissioners Dr. Aldrin Darilag at Dr. Jo Mark Libre na sangkot sila sa anomalya.

Itinanggi rin ni Darilag ang alegasyon na nagtungo ang kanyang asawa sa Canada at nagpakilalang kinatawan ng CHEd.

Sinabi naman ni Libre na lahat ng alegasyon laban sa kanya ay maituturing na organized attack laban sa kanyang integridad.

Iginiit din ni Libre na lahat ng board meeting nila ay isinasagawa sa mga conference hall ng SUCs.

Ang dalawang kumisyuner ay may hawak na tig-24 SUCs. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

 

About The Author