dzme1530.ph

DICT, sinita sa hiling na dagdag pondo sa susunod na taon  

Pinasaringan ni Senador Grace Poe ang Department of Information and Communications Technology (DICT) kaugnay sa hinihingi nilang dagdag na pondo para sa susunod na taon.  

Sa pagdinig sa panukalang 2024 budget ng DICT, kinuwestyon ni Poe ang dami ng pondong hinihiling gayung napakababa ng utilization rate nito o paggugol sa kanilang budget ngayong 2023.  

Sa report ng financial performance ng DICT para sa 2023, sinabi ni Undersecretary Heherson Asiddao sa Senate SubCommittee on Finance na hanggang nitong September 15, aabot pa lang sa 25% ng kanilang P13.9-B ang kanilang budget utilization rate.  

Target naman aniya na umabot sa 28% ang budget utilization sa katapusan ng Oktubre, 60% pagsapit ng Nobyembre at 70% hanggang Disyembre.  

Samantala, para sa taong 2024 ay humihiling ang DICT na dagdagan ng P5.6-B ang panukalang P9.8-B na budget ng ahensya at mga attached agencies nito.  

Ang mga dagdag na budget na hinihingi ng DICT ay para sa operational expenses, regional offices at personnel, pagpapagawa ng opisina ng DICT, development plan, e-government system development program, cybersecurity, at ICT industry development.  

Sinita naman ni Poe ang malaking problema ng ahensya sa mababang utilization rate subalit humihingi pa ang DICT ng dagdag na pondo.  

Duda rin si Poe sa pahayag ng DICT na maiangat sa 70% ang budget utilization rate sa pagtatapos ng taon gayung pumasok na ang “Ber months”.  

Hirit ng senadora, ang paggastos sa pondo muna ang dapat na aksyunan ng DICT gayundin ang mga utang na hindi pa nito nababayaran. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News 

About The Author