Kinondena ng ilan pang mga senador ang viral road rage ng retiradong pulis na si Wilfredo Gonzales sa isang siklista na nangyari sa Quezon City.
Iginiit ni dating PNP chief at ngayo’y Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na hindi na dapat makahawak ng baril si Gonzales upang hindi tularan pa ng iba.
Idinagdag ni dela Rosa na kung siya ang nakaharap ni Gonzales ay maaaring pinaputukan na niya ito dahil malinaw na nasa panganib ang kanyang buhay.
Iginiit naman ni Senador Jinggoy Estrada na hindi katanggap-tanggap na magpatuloy ang ganitong culture of impunity lalo na sa mga pampublikong kalsada dahil malinaw na isang banta sa cycling, commuting o riding public si Gonzalez.
Base sa impormasyon, tinapik ng siklista ang sasakyan ni Gonzales dahil nasa loob ito ng bike lane at hindi makadaan ang siklista.
Biglang huminto ang sasakyan ni Gonzales dahil tila nasanggi ito ng siklita, bagay na ikinagalit nito kaya ito bumunot ng baril at ikinasa laban sa siklista.
Binigyang-diin naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat turuan ng leksyon ang mga ganitong indibidwal at sampahan ng kaso. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News