dzme1530.ph

Pagpapalakas ng pagbabakuna sa mga bata laban sa mga sakit, isinusulong sa Senado

Nanindigan si Sen. Sherwin Gatchalian na napapanahon nang itatag ang Virology and Vaccine Institute of the Philippines upang magkaroon ng sapat na suplay ng mga bakuna sa bansa.

Sa gitna ito ng patuloy na mababang bilang ng mga batang nakakatanggap ng mga bakuna.

Sa datos, bumaba naman sa 637,000 noong 2022 mula sa isang milyon ang bilang ng mga hindi nabakunahan na mga bata noong 2021.

Gayunpaman, ayon sa United Nations Children’s Fund (UNICEF) at World Health Organization (WHO), marami pang kailangang gawin upang maabot ang 95% coverage.

Sa pahayag ng Department of Health (DOH), 59.9% lamang ng mga batang maaari nang makatanggap ng mga bakuna ang maituturing na bakunado.

Lumitaw din sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2022 na hindi lamang ang kawalan ng tiwala sa mga bakuna ang dahilan kung bakit mababa ang bilang ng mga batang bakunado.

Sa halip kasama rin sa mga dahilan ang pamunuan, pagpa-plano, at mga problema sa supply chain kaya paulit-ulit na nauubusan ng bakuna ang bansa nitong nakaraang dekada.

Alinsunod sa isinuusulong na proposed Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP) Act of 2022 o Senate Bill No. 941 ni Gatchalian, magpapatupad ng mga hakbangin upang patatagin ang lokal na produksyon ng mga bakuna, kasama  na rin ang technology transfer.

Layun ng panukala na magtatag ng VIP na magsisilbing premier research and development institute sa larangan ng virology na sasaklaw sa  lahat ng  viruses at viral diseases sa mga halaman, hayop, at mga tao.  –ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author