dzme1530.ph

Publiko, hinimok suportahan ang Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup

Hinimok ni Senate Committee on Sports Chairman Christopher ‘Bong’ Go ang mga Pilipino na magkaisa at suportahan ang Gilas Pilipinas sa FIBA Basketball World Cup 2023.

Hiling din ng senador sa taumbayan na ipagdasal na manalo ang Gilas Pilipinas sa laban nito sa Dominican Republic, mamayang gabi.

Ayon kay Go, mahalaga ang larong ito dahil kapag nanalo ang Pilipinas sa unang laban ay mapupunta sa atin ang momentum para sa susunod na laban naman ng ating koponan kontra Angola.

Kapag nanalo anya ang Pilipinas laban sa Angola ay pasok na ang bansa sa Top 16 at ito ang magiging batayan para mag-qualify ang Gilas Pilipinas sa susunod na Paris Olympics.

Idinagdag pa ni Go na napakatagal na nang panahon nang magqualify ang Pilipinas sa Olympics kaya naman bilang ang bansa ang host country ng FIBA ay hinikayat niya ang lahat ng kababayan na ibigay ang buong suporta para sa ating pambato. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author