dzme1530.ph

Pilipinas, dapat maglagay ng archipelagic sea lane!

Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang panukalang maglalagay ng archipelagic sea lane sa bansa sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng China Coast Guard at Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Gatchalian na layon ng kanyang Senate Bill 2395 na matiyak ang seguridad at proteksyon sa interes ng bansa sa ekonomiya at kapaligiran, lalo na sa West Philippine Sea.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na nakapaloob na sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang archipelagic baseline system ng bansa.

Bukod sa archipelagic sea lanes, layon din ng panukala na protektahan ang ecological integrity ng bansa.

Alinsunod pa sa panukala ipagbabawal ang mga dayuhang barko o sasakyang panghimpapawid na magsagawa ng hindi awtorisadong pananaliksik at survey activities, gayundin ang pangingisda, marine bioprospecting, loading at unloading ng mga indibidwal, mga bilihin, o pera.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang panukala ay sumusuporta sa UNCLOS na kumikilala sa soberanya ng archipelagic waters at sa mga resources na nakapaloob dito. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author