dzme1530.ph

Chinese Ambassador to the Philippines, maraming dapat ipaliwanag kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea

Iginiit ng ilang senador na maraming dapat ipaliwanag ang Chinese Ambassador to the Philippines matapos ang panibagong insidente ng harassment ng China Coast Guard sa Philippine Coast Guard sa Ayungin Shoal.

Sinabi ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na ang panibagong insidente sa Ayungin Shoal ay maituturing na direktang paghamak sa ipinaglalaban nating soberanya at karapatan sa ating exclusive economic zone.

Iginiit pa ng senador na dapat muling aralin ng China ang kanilang taktika at tigilan na ang kanilang mararahas na hakbang kung seryoso silang ayusin ang relasyon sa Pilipinas.

Sinabi naman ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na dapat ipatawag ng Department of Foreign Affairs ang Chinese Ambassador at magpaliwanag kasabay na rin ng paghahain ng panibagong diplomatic protest.

Sa panig naman ni Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel, iginiit nito na dapat bumuo ang gobyerno partikular ang Philippine Coast Guard ng ‘sensible plans’ sa pagharap sa Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea.

Subalit hindi pabor si Pimentel na panahon nang igiit ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Estados Unidos.

Nanawagan naman si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa Chinese Government na ipakita ang respeto sa Pilipinas at tigilan ang pambubully sa mga Pilipino.

Iginiit ni Go na dapat ipaglaban ng bansa ang ating teritoryo at hindi dapat pumayag na apakan ng mga dayuhan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author