Pinabubuhay ni Senador JV Ejercito sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga emergency bays sa mga kalsada na maaaring mahintuan ng mga rider kapag umuulan para makapagsuot ng kanilang mga kapote.
Isa ito sa nakikitang solusyon ni Ejercito sa gitna ng pagtatalo sa ipinatutupad ng MMDA na pagbabawal sa mga rider na sumilong sa mga footbridges kapag naabutan ng ulan.
Sinabi ng senador na nauunawaan niya ang rationale ng MMDA sa ipinatutupad na regulasyon dahil bukod sa obstruction sa kalsada ang mga humihintong rider ay delikado rin ito at maaaring magdulot ng aksidente.
Gayunman, sinabi ni Ejercito na naiintindihan din niya ang saloobin ng mga rider laban sa P1,000 multang ipinatutupad na labis anyang malaki lalo na para sa mga delivery riders.
Suhestyon ni Ejercito na magpatupad ng malawakang education campaign sa mga rider na magpapaalala sa mga ito ng tamang paghahanda sa kanilang biyahe at kasabay nito ay ibaba ang multa sa P100 o P200 sa paglabag sa nabanggit na regulasyon. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News