dzme1530.ph

Isyu sa West Philippine Sea, tinalakay sa dinner meeting ng mga senador kasama ang Pangulo

Kinumpirma ni Senate President Juan Miguel Zubiri na kabilang sa napag-usapan sa kanilang dinner kasama si Pangulong Ferdinand Marcos ang usapin sa West Philippine Sea gayundin ang problema sa malawakang pagbaha sa maraming lugar sa bansa at ang usapin sa agrikultura.

Ayon kay Zubiri, casual lamang ang naging dinner meeting kasama ang Pangulo at ginawa ito para lang kumustahin ang mga miyembro ng mataas na kapulungan.

Sinabi ng Senate President na alam at nirerespeto ni Pangulong Marcos ang paninindigan ng senado tungkol sa WPS issue.

Binigyang-diin ng mambabatas na alam naman ng Pangulo na binuo nila ang resolusyon base sa natalakay nilang usapin kasama si Forein Affairs Secretary Enrique Manalo upang matiyak na nakalinya sila sa ehekutibo.

Idinagdag naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na tiniyak din sa kanya ni Pangulong Marcos na sa oras na maaprubahan ng Kongreso ang Trabaho Para sa Bayan Bill, ay pipirmahan niya ito bilang batas.

Ipinaabot rin ni Villanueva ang mungkahi niya na magkaroon ng Integrated Flood Control Masterplan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author