Pinuna ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino ang umano’y kawalan ng abiso ng National Irrigation Administration (NIA) sa mga local government units hinggil sa pagpapalabas ng tubig sa dam dahilan kaya lubog ngayon sa baha ang maraming lugar sa Bulacan.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa sinasabing iregularidad ng mga irrigation projects, inihayag ni Tolentino ang hinaing ng lalawigan ng Bulacan sa walang koordinasyon na pagpapakawala ng tubig sa Bustos Dam na naging sanhi ng matinding pagbaha sa buong lalawigan matapos ang pananalasa ng bagyong Egay.
Sa salaysay ng senador, araw ng Sabado nang mabigla ang mga residente sa Bulacan sa pagtaas ng tubig na nataon din sa high tide.
Sinabi pa ni Tolentino na hindi nakapunta sa pagdinig ngayon ng Senado si Bulacan Governor Daniel Fernando dahil abala sa kanyang lalawigan na nasa ilalim ng ‘state of calamity’.
Dumipensa naman sina NIA Chief Eduardo Eddie Guillen at ipinaliwanag na mayroong protocol na advance information na ipinadala sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Bulacan kaugnay sa spilling activity o pagpapakawala ng tubig sa dam.
Pero ayon kay Tolentino, itinatanggi ng PDRRMO na alam nila ang abiso.
Apektado ng malawakang pagbaha ang 16 na bayan at tatlong syudad sa buong lalawigan ng Bulacan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News