dzme1530.ph

Kapitan ng tumaob na bangka sa Binangonan, Rizal, walang lisensya!

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ng Maritime Industry Authority (MARINA) na walang lisensiya ang kapitan ng tumaob na bangka sa Binangonan, Rizal.

Ayon sa MARINA, nagkaroon sila ng pagpupulong kasama ang mga kinatawan mula sa Talim Island Passenger Motorboat and Patron Association (TIPMOPA) kung saan nalaman sa record na walang balidong lisensya si Donald Anain na siyang boat captain ng Aya Express.

Napag-usapan din sa pagpupulong kung anong tulong ang maaaring ipaabot sa mga biktima, at ang pagresolba ng MARINA at ng nabanggit na asosasyon sa insurance ng 27 nasawing pasahero.

Matatandaan na una nang nagpaabot ng tulong ang provincial government ng Rizal sa mga naulilang pamilya kung saan nagkasa na rin sila ng sariling imbestigasyon.

Sinisiguro naman ng MARINA na tinututukan nila ang nangyaring insidente upang malaman ang mga pagkakamali ng Aya Express at mapanagot ito sa batas. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author