dzme1530.ph

Estado ng bansa, nakababahala!

Lubha nang nakababahala ang tunay na estado ng bansa lalo na’t damang-dama ng mga Pilipino ang hirap ng buhay dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, serbisyo at iba pa.

Ito ang pahayag ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa kanyang kontra SONA kung saan tinalakay nito ang mga gastusin ng bawat Pilipino at ang lumalaking utang ng bansa.

Sinabi ni Pimentel na hindi tamang sabihin na sa mga nakalipas na buwan ay nagkaroon ng pagbaba sa presyo dahil taliwas ito sa nangyayari sa kasalukuyan kung saan tumaas pa ang presyo ng bigas, isda, karne, gulay at iba pang mga bilihin.

Tinukoy din ng senador na sa kasalukuyan P14.1-T na ang utang ng Pilipinas at kung hahatiin sa populasyon na 117-M ay mayroong utang ang bawat isa na P120,000.

Hindi pa anya kasama rito ang ang utang ng Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) at Local Government Units.

Binanggit din ng senador ang patuloy na pamamayagpag ng katiwalian sa gobyerno subalit pinuri naman ang administrasyon sa pahayag na tinutugunan na nila ito.

Sa huli, hinimok ni Pimentel ang pamahalaan na bumuo ng mga hakbangin upang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan at tiyaking uunahin ng pagsusulong ng kapakanan ng bawat isa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author