dzme1530.ph

Mga bagong tax proposals, mahihirapang lumusot sa Senado

Bagama’t maraming panukala ang administrasyon na suportado ng Senado, aminado si Senador Francis “Chiz” Escudero na mahihirapan namang lumusot sa Mataas na Kapulungan ang mga panukala na may kinalaman sa pagbubuwis.

Lalo pa anya kung ang administration team na magsusulong ng mga panukala ay kaparehong grupo rin na nagpaliwanag ng mga probisyon ng Maharlika Investment Fund.

Inilarawan ng senador na ang pagsusulong ng anumang panukalang may kinalaman sa pagbubuwis sa panahon ngayon ay katulad ng pamimilit sa isang Eskimo na bumili ng freezer.

Binigyang-diin ng senador na ngayong maituturing na tayong E-Commerce Republic, asahan na ang mga pagtutol sa sandaling isulong ang pagbubuwis sa mga online purchases.

Tinukoy din ng mambabatas ang planong pagtataas ng motor vehicle registration fees na tiyak na tututulan ng mga car owners na sa ngayon ay bumabalikat ng VAT sa produktong petrolyo bukod pa sa excise tax.

Binanggit din ng senador ang toll fees na binabayaran ng mga motorista kahit hindi naman naisasaayos ang mga kalsada.

Kung nais anya ng gobyernong isakatuparan ang mga panukalang pagbubuwis, dapat tiyaking maayos ang paliwanag upang makumbinsi ang tao dahil ito ay tila isang mapait na gamot na kailangang lunukin. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author