dzme1530.ph

Alokasyon para sa mga kalamidad, dapat dagdagan!

Nais ni Senador Imee Marcos na magdagdag ang gobyerno ng alokasyon sa pagtugon sa kalamidad.

May kinalaman pa rin ito sa matinding pagbaha at pinsalang iniwan ng Bagyong Egay sa maraming lalawigan sa bansa at ang inaasahang epekto pa rin ng El Niño sa mga susunod na buwan.

Sinabi ni Marcos na kailangang taasan ang pondo ng gobyerno para sa paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad partikular sa pagsasaayos ng mga imprastraktura.

Hindi anya tama na kada taon na lamang ay tingi-tingi ang paglalaan ng pondo sa mga ahensyang nangunguna sa pagharap sa sakuna at kalamidad tulad ng Department of Public Works and Highways kasama na ang Department of Social Welfare and Development na sasabayan ng dasal na hindi sana maging matindi sa mga susunod na taon ang mga tatamang bagyo sa bansa.

Binigyang-diin ng senadora na dapat ibigay agad ang tamang halaga na kailangan ng mga ahensyang tumutugon sa kalamidad at hindi kada quarter ay kailangang pang humingi dahil magiging magulo lamang ito.

Bukod sa quick response fund (QRF) ay mayroong calamity fund na naitabi ang gobyerno pero duda ang senadora kung kakayanin ito dahil matindi na ang nangyayaring pagbaha.

Umapela rin ang senadora na panahon na para baguhin ang building code at building standards dahil sa lumalala at dumadalas na nararanasang extreme weather disturbance dahil sa climate change. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author