dzme1530.ph

Mga ahensya ng gobyerno at LGUs, inutusang i-adopt ang PH Health Facility Development Plan

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lahat ng ahensya ng pamahalaan at local government units ang pag-adopt sa Philippine Health Facility Development Plan (PHFDP) 2020-2040.

Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 26, inatasan ang mga ahensya kabilang ang government-owned or -controlled corporations, gayundin ang mga LGU na suportahan ang implementasyon ng mga plano at programang nakapaloob sa PHFDP.

Kabilang dito ang pagpapaunlad ng imprastraktura at medical investments upang matiyak na mabibigyan ng primary healthcare ang mga Pilipino alinsunod sa Universal Health Care Act.

Samantala, partikular na inatasan ang DOH na makipagtulungan sa DILG na alalayan ang mga LGU sa pagkakaroon ng long-term Local Health Facility Development Plan, at sa pagbuo ng mga polisiya sa pagtatatag ng primary at health care provider networks.

Hinihimok din ang mga LGU na bumuo ng public-private partnerships para sa pagtatayo ng mas marami pang health facilities. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author