Kinumpirma ng Department of Energy (DOE) na hindi na palalawigin pa ang ibinigay nitong deadline para sa mga LPG Industry player para makakuha ng kanilang License to Operate at iba pang mga Certificate of Registration.
Ito ang inihayag ng DOE kasunod ng nakatakdang deadline nito ngayong araw, Hulyo a-7, base sa itinatakdang Republic Act 11592 o ang LPG Industry Regulations Act of 2021.
Nagbabala din ang ahensiya na mahaharap sa kaukulang parusa ang mga LPG industry player na mabibigong mag-secure ng kaukulang permit mula sa mga Lokal na Pamahalaan gayundin sa iba’t ibang ahensya.
Layon nito na maiwasan ang mga naitatalang aksidente dahil sa hindi tamang pagre-refill ng LPG gayundin ang paggamit at pagbebenta ng mga dispalinghadong tangke na lubhang peligroso para sa mga konsyumer.
Sinumang mapatutunayang lumabag sa nasabing panuntunan ay mahaharap sa pagkakakulong o papatawan ng multa na hindi bababa sa P5,000 kada araw, para sa hindi awtorisadong pagbebenta ng LPG.
Habang posible ring patawan ng hanggang P1-M multa ang sinumang mapatutunayang lumabag sa pagbebenta at pagbibiyahe ng mga tangke ng LPG na hindi pasado sa quality standards ng gobyerno. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News