dzme1530.ph

POGO hub sa Las Piñas City, sinalakay ng PNP Anti-Cybercrime Group at NCRPO

Aabot sa mahigit 2,000 kabilang ang ilang dayuhan ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) at NCRPO.

Ito’y makaraang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng ACG at ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Brgy. Almanza Uno, Las Piñas City.

Ayon kay PNP-ACG Spokesperson, P/Capt. Michelle Sabino, mula sa nasabing bilang ay mahigit sa 1,500 sa mga nasagip ay pawang mga Pilipino habang ang nalalabi ay pawang mga dayuhan.

Pinakamarami sa mga ito ay pawang nagmula sa China, Malaysia, Indonesia, Taiwan, Myanmar, Vietnam, Sinagpore, Thailand gayundin sa India, Africa at iba pang mga bansa mula sa Gitnang Silangan.

Ikinasa ang naturang operasyon matapos makakuha ng Search Warrant mula sa korte dahil sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.

Sinabi ni Sabino, nagpapakilala umanong trabahante ng isang online casino ang mga nasagip na nag-ooperate mula taghali hanggang hatinggabi at ilan lamang sa mga ito ang pinapayagang lumabas.

Nabatid na biktima rin ng illegal recruitment ang mga naturang dayuhan na pinangakuan ng malaking suweldo. —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News

About The Author