Suportado ng magkapatid na senador ang panukala ni Senador Risa Hontiveros na iakyat na sa United Nations General Assembly ang usapin sa West Philippine Sea.
Ayon kay Senador JV Ejercito, lumalala na ang pagiging agresibo ng Chinese Coast Guard at ng kanilang Navy laban sa Philippine Coast Guard, Philippine Navy at maging sa mga Pilipinong mangingisda.
Taliwas anya ito sa pagpapakita ng China na sila ay kaalyado ng Pilipinas na nagbibigay pa ng fertilizer subalit hinaharas naman ang mga mangingisda.
Idinagdag ni Ejercito na dapat gamitin ng bansa ang lahat ng diplomatic measures para sa ipinaglalaban nating teritoryo.
Sinabi naman ni Sen. Jinggoy Estrada na kung ito ang paraan upang matigil na ang pambubully ng China ay susuportahan niya ang panukala ni Hontiveros.
Tiniyak din ni Estrada na boboto siya pabor sa resolusyon ni Hontiveros sa sandaling talakayin ito sa plenaryo. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News