Isinasapinal na ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga detalye ng panukalang P5.768-T na budget program para sa susunod na taon, na planong isumite sa kongreso, isang linggo pagkatapos ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ipi-prisinta nila bukas sa gabinete para sa final approval ang 2024 National Expenditure Program (NEP), na magiging basehan ng General Appropriations Act para sa susunod na taon.
Inihayag ng kalihim na nai-prisinta na nila ang 2024 NEP kay Pangulong Marcos kahapon ng umaga.
Una nang isiniwalat ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na ang panukalang P5.768-T na budget para sa 2024 ay mas mataas ng 9.5% kumpara sa P5.268-T na budget ngayong taon. —sa panulat ni Lea Soriano