Matagumpay na naiuwi kahapon ng madaling araw ng NBI sa tulong ng Interpol at Immigration ang tatlong Pilipino na nabiktima ng illegal recruiters at nagtrabaho sa scam hub ng mga Chinese sa Cambodia.
Ayon kay NBI Director Judge Jaime Santiago nakarating sa kanila ang apela ng mga Pilipino na humihingi ng tulong kaya agad nakipag ugnayan ang NBI sa Interpol para isagawa ang rescue operation.
Sinabi ni Santiago na ang tatlong Pilipino ay inalok ng trabaho sa Thailand bilang call center agent at pinangakuan ng $1,000 sweldo kada buwan pero dinala sa Cambodia na pilit pinagtatrabaho bilang scammer.
Nakaranas umano ng pag-torture ang mga biktimang Pinoy mula sa mga Chinese national sa scam farm sa Cambodia.
Nagtamo ng mga sugat at pasa ang mga biktima dahil umano sa hataw ng latigo at pala, at pagtadyak sa iba’t ibang parte ng katawan.
Nagtamo rin ng mga paso ng sigarilyo ang mga Pinoy, matapos bugbugin, ay iniwan na sila ng mga Chinese kaya doon na sila nagkaroon ng pagkakataon para tumakas.
Napag-alaman pa umano na nag alok ang mga Chinese ng pabuya sa makapagtuturo sa kinaruruunan ng mga tumakas na Pinoy.
Ang mga biktima ay bumiyahe sa pamamagitan ng back door to Malaysia, patungong Thailand bago sila dinala sa Cambodia.
Sa ngayon, patuloy na nakikipag-ugnayan ang NBI sa Cambodian authorities at iba pang ahensiya para ma-rescue ang apat na iba pang Pilipinong nabiktima ng illegal recruiters.