Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang lalaking Chinese sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos ipakita ang mga pekeng exit clearance.
Sa ulat kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, sinabi ni BI NAIA 3 head Dennis Javier na ang dalawang Chinese na kinilalang sina Wang Changru, 53 at Cui Wen, 33, ay pinigil habang pasakay ng Cathay Pacific Airlines flight papuntang Hong Kong dahil sa mga pekeng dokumento.
Ang dalawang Chinese ay parehong overstaying sa bansa kung saan pareho silang dumating noong 2019.
Gayunpaman, ipinakita nila ang Emigration Clearance Certificates (ECC) na inisyu noong Enero 23, na nagsasabi na pinahintulutan silang manatili sa bansa hanggang Pebrero.
Bigo ang dalawang Chinese na magpakita ng record sa actual na pagdating nila sa bansa kung saan dapat na-verify sa kanilang centralized data base.
Itinurn-over ang mga ito sa legal division ng BI at mahaharap sa mga kasong deportasyon dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News