Muling tiniyak ni Senate President Francis Escudero na susunod ang Senado sa batas at alituntunin ng pagsasagawa ng impeachment proceedings.
Ito ay kasunod ng inilunsad na People’s Impeachment Movement na binubuo ng religious groups, sectoral representatives at kaanak ng mga biktima ng extra judicial killings para ipakita na may public clamor sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Nanindigan si Escudero na mag-iingat sila sa bawat hakbang at susundin ang batas at rules para sa tiyak na wastong pagsasagawa ng impeachment trial sinuman ang magbebenepisyo o makikinabang dito.
Iginiit din ng Senate leader na hindi niya dine-delay o binibinbin ang impeachment trial at hindi rin nila mamadaliin ang proseso na taliwas sa batas dahil lamang sa hinihiling ng ilang sektor na aksyunan na ito agad.
Binigyang-diin ni Escudero na ang batas ay batas at hindi nila ito babaliin dahil lamang sa pagnanais ng ilang partisan o biased na indibidwal o sektor.
Tiniyak din ng lider ng Senado na wala siyang papaburan at magiging patas sa proseso ng impeachment trial at pagbibigay ng nararapat na hustisya.