dzme1530.ph

Sen. Hontiveros, nanindigang hindi pa sapat ang mga batas laban sa teenage pregnancies

Kinontra ni Sen. Risa Hontiveros ang pahayag ni Health Sec. Ted Herbosa na may mga sapat nang umiiral na batas laban sa teenage pregnancies.

Iginiit ni Hontiveros na kulang pa ang pagpapatupad ng Responsible Parenthood Law para mapigilan at mapababa ang kaso ng teenage pregnancy sa bansa.

Una nang sinabi ni Herbosa na sapat na ang umiiral na Republic Act No. 10354 o Responsible Parenthood and Reproductive Health Law of 2012.

Ayon kay Herbosa, kailangan lamang maipatupad nang tama ang mga batas.

Binigyang-diin ni Hontiveros na ang Department of Health (DOH) din naman ang nagpapatupad ng responsible parenthood law na kulang sa tamang implementasyon kaya’t patuloy pa rin ang pagsirit ng mga batang babaeng maagang nabubuntis.

Kaya naniniwala ang senadora na ang kanyang isinusulong na prevention of adolescent pregnancy bill ay makatutulong upang punan ang kulang sa umiiral na batas para labanan ang childhood pregnancies. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

 

About The Author