![]()
Humingi ng paumanhin si Senador Erwin Tulfo sa naging marahas niyang pahayag matapos ang matinding tensyon at emosyon sa loob ng Senado.
Tinukoy ng senador ang naging pahayag niya ukol sa pagpapaaresto, pagkwelyo, at pagbibitbit kay Senador Alan Peter Cayetano at sa ilang indibidwal palabas ng session o plenary hall.
Sinabi ni Tulfo na ang mga salitang kanyang nabitiwan, bagaman hindi nararapat sa harap ng publiko, ay dala ng bugso ng damdamin sa hangarin na huwag nang maantala pa ang trabaho para sa bayan.
Aminado ang mambabatas na mali ang kanyang mga naging pahayag kaya’t humihingi ng kapatawaran sa publiko.
Binigyang-diin niya na dahil sa mga nagdaang hidwaan, natapos ang sesyon nang hindi umuusad ang mahahalagang batas at dahil sa bangayan, naging paralisado ang mandato kung saan ang talo aniya ay ang mga Pilipino.
Iginiit niyang dapat nang magbalangkas ng mga batas, mag-imbestiga sa mga iregularidad nang walang kinatatakutan, at unahin ang kapakanan ng bawat Pilipino.
Ang pagkakaisa aniya ay hindi nangangahulugang pag-atras sa laban kundi ito ay ang pagsasama-sama ng ating lakas upang protektahan ang sambayanan.
