dzme1530.ph

Quiboloy, target na makakuha ng 1,000 babae para gawing inner pastoral —PNP

Kinumpirma ng Philippine National Police na may target si Pastor Apollo Quiboloy na makakuha ng hanggang 1,000 babaeng magiging miyembro ng kanyang inner pastoral.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women and Children, iprinisinta ni Davao City Police Chief, Pol. Col. Hansel Marantan ang initial findings ng kanilang ginagawang case build up laban kay Quiboloy.

Sinabi ni Marantan na batay sa pagsisiyasat, ang target ni Quiboloy ay naka-angkla sa biblical story ni Haring Solomon na mayroong 700 asawa at 300 concubines.

Sa datos na hawak ng PNP, umabot na sa 200 ang babaeng nakaranas ng pang-aabuso ni Quiboloy kung saan 68 ang kanilang natukoy.

Inihayag pa ni Marantan na batay sa kanilang imbestigasyon ang proseso sa pagkuha ng pastoral para kay Quiboloy ay nagsisimula sa recruitment susundan ng grooming kung saan magkakaroon na ng pagtukoy kung ang isang babae ay magiging ordinary miracle worker o papasok bilang inner pastoral.

Ang mga ordinary miracle worker aniya ay ang mga mapupunta sa forced labor habang ang mga inner pastoral ang nagbibigay ng sexual services kay Quiboloy.

Bukod naman sa kasong sexual exploitation, tumutulong din ang PNP sa imbestigasyon sa isyu ng land grabbing laban kay Quiboloy kaugnay sa lupang kinatatayuan ng kanyang bahay sa Davao City.

Iniimbestigahan din ng PNP ang money laundering at tax evasion ng Kingdom of Jesus Christ.

Binusisi rin ng pulisya ang ligalidad ng operasyon ng paaralan ng KOJC kasama ang iba pa nilang negosyo at ang mga foundation na ginagamit ng Kingdom. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author